Nakumbinsi na rin ang kapatid ng mamamahayag na si Percy Lapid na si Roy Mabasa, na ang sumukong gunman sa pulisya ang pumatay sa beteranong mamamahayag.
Kasunod ito ng nauna nang naging pahayag ni Mabasa na duda siya na iisa lamang ang lalaking nakuhanan ng CCTV footage sa inilabas ng pulisya at ang self-confessed gunman na si Joel Escorial na iniharap sa media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Special Investigation Task Group (SITG) Lapid Commander at Southern Police District Director Police Brigadier General Kirby John Kraft ay sinabi nitong naniniwala na ang kapatid ng biktima sa suspek na naaresto ng pulisya.
Ito ay matapos aniya na masagot ng suspek ang lahat ng katanungan ni Mabasa hinggil sa pagkamatay ng kaniyang kapatid nang magsagawa sila ng walkthru bandang alas-8:00 ng gabi kagabi ng nangyaring krimen.
Bagay na una na niyang hiniling sa mga kinauukulan upang malaman kung talagang iisa ang lalakin nasa CCTV footage at ang lalaking sumuko sa pulisya para sa paglalantad ng katotohanan tungkol sa naturang kaso.
Kung maaalala, agad na nagpahayag si Mabasa kahapon hinggil sa paglantad ng suspek sa pamamaril sa kaniyang kapatid kung saan kinwestiyon din nito ang late nang pagsasapubliko ng mga kinauukulan dito kahit na maaga naman daw niyang natanggap ang abiso na sumuko na ito sa pulisya.
Habang sa bukod naman na pahayag ay nagpasalamat ang pamilya ni Lapid sa Philippine National Police sa pagkakaaresto sa umano’y gunman nito kasabay ng kanilang pag-asa na ang panibagong development na ito ay kalauna’y mauwi na rin anila sa pagkakaaresto sa mismong utak ng nasabing krimen.