CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad ng pamilya Dormitorio habang umuusad ang pagsampa ng kaso laban sa pitong kadete sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.
Ito ay kahit wala pang anumang banta na natatanggap ang pamilya ng namayapang si PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio kaugnay sa kanilang pagpupursige na maisampa ang kasong paglabag sa Anti-Hazing Law, murder at torture, sa mga kasamahang kadete na responsable nagpahirap nito ng ilang buwan.
Natuklasan kasi ng pamilya na isa sa mga kadete ay may ama rin na army colonel na nagtapos ng PMA Class 1991.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Baguio City Police Office Director Col Allen Rae Co na kahit pagtangkaan pa ng kung sinuman ang mga buhay sa pamilya ni Darwin ay hindi na ito makakapagpabago sa bigat ng mga ebidensiya ng kaso.
Ayon kay Co, hindi makakatulong ang anumang posibleng pagtatangka na pabagsakin ang kaso dahil lalo lamang madidiin ang mga suspek sa kaharapin nilang paglilitis sa korte sa mga susunod na araw.
Dagdag ng opisyal na maaaring maisampa nila ang mga kasong kriminal laban sa mga suspek sa piskalya sa bandang hapon na ngayong araw.