-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ipinagpapasalamat ng Pamilya Batocabe ang malasakit ng Kamara na layuning paimbestigahan kung saan napunta ang P35 million reward money para sa kaso ng pinaslang na si Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ng mambabatas, siya mismo ay nais ding malaman kung sino-sino ang napagbigyan ng pabuya.

Aniya, hindi sila kabahagi sa naging turnover ng pera habang ipinagkatiwala na sa pulisya ang pamamahagi nito.

Ibinunyag naman ng nakababatang Batocabe na ilan sa mga testigo ang “nag-iba na ng tono” subalit hindi naman matukoy kung ito ba ay dahil sa hindi pagtanggap ng reward money o nakulangan sa nakuhang halaga.

Dagdag pa ni Atty. Justin na magagamit sana ang naturang halaga upang mapangalagaan ng mga witness ang seguridad ng kani-kaniyang pamilya para sa posibleng banta sa buhay.

Kung maaalala, nasa P20 million sa bounty ay galing sa Office of the President, P13 million mula sa Kamara noong 17th Congress, at P2 million mula naman sa Albay provincial government.