Nilinaw ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) na prayoridad ang mga low at middle income earners sa makikinabang na rin ng P5,000 hanggang P8,000 na social amelioration.
Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na siya ring spokesman ng IATF, kabilang dito ang mga manggagawa ng mga maliliit na negosyo at naka-empleyo simula Marso 1, 2020.
Ayon kay Sec. Nograles, ang unang yugto ng tulong pinansyal ay ibibigay sa May 1 hanggang May 15 habang ang ikalawang bigayan ay sa May 16 hanggang May 30.
Inihayag ni Sec. Nograles na gagawin ang pagbibigay sa pamamagitan ng SSS humid card ng empleyado na parang ATM, bank account number ng empleyado, quick card, PayMaya, e-wallet at iba pang remittance money transfer.
Magugunitang umaalma ang mga nasa middle class dahil tanging mga tinaguriang “poorest of the poor” lamang ang unang binigyan ng social amelioration gayung maging sila ay apektado rin ng enhanced community quarantine kaugnay sa COVID-19.