Nasawi ang isang kilalang Palestinian journalist na si Hassan Aslih sa isang airstrike na isinagawa ng Israel noong Martes (local time) sa Nasser Hospital sa Gaza, ayon sa Ministry of Health ng Gaza.
Si Aslih, na may daan-daang libong tagasubaybay sa social media, ay nagpapagaling mula sa naunang sugat nang tamaan ng panibagong pag-atake ang naturang ospital.
Ayon sa Israel, bahagi umano si Aslih ng Hamas at nakilahok din umano sa pag-atake noong 2023 ngunit mariin itong itinanggi ng Hamas.
Ayon sa mga opisyal ng Gaza, isa pang pasyente ang namatay at ilan pa ang nasugatan sa nasabing pag-atake. Kinumpirma ng militar ng Israel na tinarget nila ang mga itinuturing nilang “terorista” sa ospital.
Sa hiwalay na insidente, 16 naman ang nasawi at 70 ang sugatan matapos tamaan ng siyam na missile attack ang Gaza European Hospital. Giit ng Israel, may Hamas command center sa ilalim ng ospital — bagay na itinanggi rin ng Hamas.
Ayon sa grupo ng International Federation of Journalists, higit sa 160 na ang nasawing media workers sa Gaza mula nang magsimula ang digmaan, na mariin namang itinatanggi ng Israel.
Samantala umabot na sa mahigit 52,000 ang napatay sa Gaza ayon sa local health officials, habang patuloy na lumalala ang humanitarian crisis dulot ng nagpapatuloy na sigalot sa rehiyon at kakulangan sa suplay ng pagkain.