Dumistansya ang Malacañang sa isinagawang session ng kampo ni Mariqudue Rep. Lord Alan Velasco sa isang sports club sa Quezon City kung saan hinalal itong speaker ng Kamara.
Pero muling binigyang-diin ni Presidential Spokesman Harry Roque ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat isantabi muna ang pulitika o isyu ng House leadership at unahin ang pagpasa sa 2021 proposed national budget kung saan nakapaloob ang kinakailangang pondo sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Sec. Roque, ito ang dahilan at nilalaman ng proklamasyon ni Pangulong Duterte na nagpapatawag ng special session sa Kongreso simula bukas hanggang Oktubre 16.
Ayon kay Sec. Roque, ang mahalaga umano ay ang national budget at bahala na ang mga kongresista sa kanilang internal matters gaya ng isyu ng speakership pagkatapos nilang maipasa ang General Appropriations Bill (GAB).
Kaya hangad umano ng Malacañang na walang mangyayaring intramurals bukas at pagtuunan lamang ng mga kongresista ang panukalang national budget.