Muling nanindigan ang Palasyo ng Malakanyang na walang basehan ang pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na may pananagutan ito sa pagkaka-aresto kay dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na ang hakbang ng gobyerno sa pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court ay naaayon sa batas.
Sinabi ni Castro, isinagawa ang pag-aresto kay Duterte bilang bahagi ng legal na proseso at sa pakikipagtulungan ng gobyerno sa Interpol.
Paliwanag ng Palace Official na ang dating Pangulo ay akusado sa kasong crimes against humanity na isinampa ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings na nangyari sa ilalim ng kanyang war on drugs campaign.
Sinabi ni Castro na ang hakbang ng administrasyon ay hindi nangangahulugang isinusuko ang soberanya ng Pilipinas.
Ang pahayag ng Palasyo ay tugon sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na dapat managot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil pinayagan niyang makialam ang foreign entity at foreign organization sa national sovereignty ng bansa.