-- Advertisements --

Kinontra ng Malakanyang ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na pamumulitika ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na paimbestigahan ang kontrobersiya na kinasasangkutan ng PrimeWaters na pag-aari ng mga Villar.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, walang katotohanan ang banat ng Bise Presidente dahil mismong mga customers na ng nasabing water service provider ang nagrereklamo dahil sa kanilang hindi magandang serbisyo.

Giit ni Castro inaasahan na rin nila ang mga ganitong banat mula sa Pangalawang Pangulo dahil wala na din maaasahan na magandang salita mula sa kaniya na pumapabor sa Pangulong Marcos at sa kasalukuyang administrasyon.

Inaasahan na rin ng Palasyo na palaging gagamitin ni VP Sara ang excuse o pagtatanggol sa mamumulitika nang hindi direktang tumutugon sa mga isyu.

Bumanat na rin nuon si VP Sara ng pumutok nuong 2023 ang patungkol sa confidential funds na nagastos sa loob lamang ng 11 araw kung saan sinabi nito na napaka-agang pamumulitika.

Tanong ni USec Castro ang naging findings ng COA kaugnay sa DepEd unsettled financial transactions ay maituturing din ba na pamumulitika.

Hamon ni USEc Castro kay VP Sara ang anumang pakikipag-diskusyon ng Bise Presidente ay sana i-level up rason sa rason at datos sa datos at huwag gamitin ang masasamang salita o pagmumura.

Binigyang-diin ng Palace Official na obligasyon ng gobyerno at Pangulo na tugunan ang lahat ng hinaing ng taumbayan, dahilan na ipinag-utos ang pag-iimbestiga sa PrimeWaters.

Sa ngayon ikinakasa na ng Local Water Utilities Administration (LUWA) ang imbestigasyon kaugnay sa kinasasangkutang kontrobersiya ng Prime water.

Ang nasabing imbestigasyon ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr kasunod ng mga reklamo ng mga customers ng nasabing water service provider.

Sinabi ni Castro marami na sa mga costumers ang umiiyak dahil sa kanilang hindi magandang serbisyo o poor services.

Nabatid na mayruong 73 joint ventures ang PrimeWater sa mga local water districts sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Karamihan sa mga nag reklamo ay mula sa Bulacan, Cavite, Laguna, Pangasina at Bohol.

Tumanggi naman si Castro magsabi kung anong ang posibleng sanctions sa nasabing water service provider.