-- Advertisements --
Ipinaliwanag ng Malacañang ang hindi paglalaan ng pondo para sa social amelioration program (SAP) sa ilalim ng proposed 2021 budget na nagkakahalaga ng P4.506 trillion.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala naman balak ang gobyerno na i-extend o palawigin ang nationwide quarantine o lockdown sa 2021.
Ayon kay Sec. Roque, tapos na ang pamumudmod ng ayuda dahil ang estratehiya ngayon ng gobyerno ay localized lockdowns.
Ibig sabihin, bukas ang mga negosyo kaya makakapaghanapbuhay ang publiko.
Kasunod nito, inihayag ni Sec. Roque na responsibilidad ng bawat isa na pangalagaan ang sarili at sundin ang health safety protocols para makapaghanapbuhay pa rin kahit na anjan ang banta ng COVID-19.