Nasa maayos na kalagayan ang mga sakay ng Philippine Airlines flight PR412 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos itong bumalik makaraang magdeklara ng in-flight emergency habang patungo sa Osaka, Japan kaninang tanghali.
Ayon sa opisyal na pahayag ng PAL, nakaranas ng pressurization issue ang eroplano habang nasa ere, dahilan upang agad na magdesisyon ang piloto na gumamit ng mas mababang altitude at bumalik sa Maynila bilang pag-iingat.
Ang flight ay pinapatakbo ng Airbus A321ceo (RP-C9928) at may sakay na 191 pasahero at 8 crew members, na lahat ay ligtas na nakababa ng eroplano.
Bandang 11:20 AM, matagumpay na lumapag ang PR412 sa NAIA.
Agad namang rumesponde ang ground operations team upang magbigay ng tulong sa mga pasahero, kabilang ang pagkain, rebooking ng flights, at assistance sa bagahe.
Giit ng flag carrier, ang kaligtasan ng mga pasahero at crew ang pangunahing prayoridad, kaya ginawa ang ilang adjustment.
Naipatupad naman umano ang mga standard safety protocols at naresolba ang isyu bago pa man makabalik ang eroplano.