-- Advertisements --
Jolo Sulu blasts bombing 1 1

Nasa proseso na ngayon ang militar sa pagtukoy sa identity ng babaeng suicide bomber na pinaniniwalaang asawa ng isa sa dalawang Pinoy suicide bombers na napatay ng militar sa kanilang operasyon laban sa mga teroristang Abu Sayyaf group (ASG) sa probinsiya ng Sulu.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, sinabi nito na kanilang inaalam ngayon na ang babaeng suicide bomber na naglunsad ng suicide bombing attack sa Jolo kahapon ay siya ring hina-hunting ng grupo ni Major Marvin Indammog na pinatay ng siyam na pulis noong June 29.

Sa ngayon iniimbestigahan na ng PNP SOCO ang insidente.

Aminado ang heneral na base sa mga larawan na ipinakita sa kaniya ay babae talaga ang suicide bomber.

“Ang na-monitor namin na nag-volunteer ng suicide bombing ay ‘yong dalawa lang talaga ‘ypng mga widows ng mga dating ASG din,” wika ni Lt Gen. Vinluan.

Hindi naman naniniwala si Vinluan na ang nangyaring madugong twin bombings sa Jolo ay pang-welcome sa kaniya bilang bagong pinuno ng Western Mindanao Command.

Nilinaw ni Vinluan na ang pagsabog sa Jolo kahapon ay isang paraan ng teroristang grupo para i-divert ang atensiyon ng militar lalo na at pinalakas pa nila ang kanilang kampanyan laban sa terorismo.

Maaari rin na ubos na ang pondo ng teoristang grupo kaya nais nila humingi ng tulong mula sa international terrorists group kaya inilunsad nila ang madugong pambobomba.

Nais din daw ng grupo na ipaalam sa buong mundo na nag-e-exist pa ang Abu Sayyaf -ISIS inspired group sa probinsiya ng Sulu.

“Siguro hindi sila nakuha ng fundings so kailangan nila mag-request from abroad, kaya ang pagsabog kahapon ay isa sa mga requirements to execute yung mga inhumane acts,” pahayag ni Vinluan.

JOLO TOWN

Naglunsad na rin ng combat operations ang militar laban sa grupo ni Mundi Sawadjaan na nasa likod ng mga serye ng mga suicide bombings sa Sulu.

Wala ring na-monitor ang militar na presensiya ng mga foreign terrorists sa probinsiya na nagmamando sa mga local terrorists na mga Abu Sayyaf.

Si Mundi Sawadjaan ay pamangkin ni ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan na nag-pledge ng allegiance sa ISIS terrorist group.

Sa ngayon, kontrolodo na ng militar at PNP ang sitwasyon sa Jolo, nagpatupad na rin ng lockdown sa bayan ng Jolo at nakaalerto ang pwersa ng AFP at pulisya.

Samantala, pumalo na sa 15 ang patay habang 75 ang sugatan sa nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo kahapon.

Sa datos na inilabas ng Wesmincom 21 ang sugatan sa panig ng AFP, 48 civilian at anim sa PNP.

Anim naman na sibilyan ang patay, pito sa AFP at isang miyembro ng PNP-SAF, at ang babaeng suicide bomber.

Nanawagan naman si Vinluan residente ng Western Mindanao partikular sa mga Suluanos na maging alerto at mapagmatyag sa kapaligiran.

Dapat na ireport agad sa otoridad kung may mga namonitor silang mga kahina-hinalang indibidwal.