Maguumpisa na sa Hulyo 7 ang bidding ng pagdadagdag ng mga mental health concerns ng publiko para sa mga isa sa mga maaaring tugunan ng mga otoridad sa pamamagitan ng pagtawag sa 911 emergency hotline.
Ito ay inanunsyo ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla matapos na lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga imbestigador na ang kaso ng nawawalang law student ay maaaring isang kaso ng suicide.
Paliwanag ni Remulla, mayroon na silang nga counselors na maaaring makausap ng publiko partikular na ang mga kabataan kung sakali mang may nararamdaman ang mga ito ay maaari na silang dumulog sa 911 hotline para agad na marespondehan ito ng mga trained professionals mula sa National Center of Mental Health na kasama sa 911.
Hindi na lang din aniya krimen at ibang mga concerns ang maaaring sagutin sa pamamagitan ng emergency hotline ngunit isasama na rin maging ang mga mental health issues ay maaari na ring sagutin.
Tiniyak naman ni Remulla na mataas ang interes sa bid ng pagdadagdag ng mga mental health concerns bilang isa sa mga rerespondehan sa pamamagitan ng pagtawag sa 911.
Aniya, matapos ang bidding ay maaari nang maging operational ang function na ito sa 911 emergency hotline sa pangalawang linggo ng Agosto o unang linggo ng Setyembre.
Samantala, maliban naman sa pagresponde sa mga krimen, sunog at iba pang klase ng emergencies ng publiko, inaasahan na maaari na ring matugunan ang mga mental health concerns ng publiko sa pamamagitan ng mas pinalakas na 911 emergency hotline.