-- Advertisements --

Pinawi ng Malacañang at ng National Task Force against COVID-19 ang pangamba kaugnay sa pagtigil na ng Philippine Red Cross sa pagsasagawa ng COVID-19 test na binabayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa statement ng PRC, idinahilan nito ang kabiguan ng state-health insurer na bayaran ang balanse nito sa COVID-19 tests na aabot pa sa higit P930 million.

Sinabi ni NTF chief implementer Carlito Galvez Jr., ang karaniwang tine-test ng Red Cross ay mga overseas Filipino workers (OFWs) kaya dito lamang magkakaroon ng malaking epekto ang kanilang desisyon.

Ayon kay Sec. Galvez, ang mga local government units (LGUs) naman ay may testing laboratories na para ma-test ang mga first at second contact at mayroon na din silang kontrata sa mga civilian testing centers.

Sa panig naman ni Presidential Spokesman Harry Roque, sinabi nitong pwede namang palitan ang Red Cross ng pribado at iba pang public testing center sa pagsasagawa ng testing sa mga OFWs sa mga paliparan at pantalan.

Ayon kay Sec. Roque, ang PhilHealth pa rin ang magbabayad sa testing center na papalit muna sa serbisyo ng Red Cross.

Umaasa naman si Sec. Roque na maaayos din ang problema sa pagitan ng Red Cross at PhilHealth dahil ang layunin ng gobyerno ay makapagsagawa ng mas maraming test at maihiwalay ang mga mag-positibo para mas mabilis makontrol ang pagkalat ng COVID-19.