-- Advertisements --

Kinumpirma ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na siya ay nagbitiw sa House Majority at sa National Unity Party (NUP).

Sa isang panayam sinabi ni Barzaga ang dahilan kaugnay sa naging hakbang nito ay dahil sa internal party conflict.

Na -implicate din ang batang Kongresista na nangunguna para patalsikin sa pwesto si Speaker Romualdez.

Itinanggi ni Barzaga ang nasabing alegasyon.

Giit ni Barzaga wala naman siyang isyu kay Speaker Romualdez.

Ibinunyag din nito na kaniyang inirekumenda na hindi na dapat magsalita pa si DS Ronaldo Puno na dumidepensa sa reputasyon ng Kamara dahil lalo lamang nagkakaroon ng negatibong imahe.

Ayon kay Barzaga, maling interpretasyon ang lumabas mula sa naging pahayag niya sa pulong ng partido. Aniya, ang punto lamang niya ay kung hindi na kayang ipagtanggol ni Puno ang reputasyon ng Kamara, mainam na magbitiw na ito para sa ikabubuti ng lahat. Iginiit niyang wala siyang sinabing negatibo laban sa performance ni Puno o ng Mababang Kapulungan.

Aniya, sinuportahan lamang niya si Speaker Romualdez dahil iyon ang direktiba ng partido, ngunit ngayong wala na siyang tanikala mula rito, nananawagan siya ng masusing imbestigasyon laban kay Romualdez.

Partikular na binanggit ni Barzaga ang umano’y mga iregularidad sa paggamit ng pondo para sa flood control projects noong panahong hawak ni Romualdez ang caretaker position ng kanyang distrito matapos pumanaw ang kanyang ama noong Abril 27, 2024.