-- Advertisements --

ILOILO CITY – Isinailalim na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) mula sa modified general community quarantine status ang Iloilo city kasunod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo CIty Mayor Jerry Trenas, sinabi nito na tatagal ang MECQ status hanggang sa Mayo 31 matapos inaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang hiling niya para sa mas mahigpit na quarantine status.

Ayon kay Mayor Treñas, sa ilalim ng pagpapatupad ng MECQ, ipapatigil ang biyahe ng mga barko na may rutang Iloilo City-Bacolod City o Iloilo City-Negros Occidental at vice versa.

Nilinaw naman ng alkalde na walang border restriction sa pagitan ng lungsod at ibang lalawigan sa Panay.

Samantala, naka-lockdown ang Iloilo City Hall simula ngayong Mayo 24 hanggang Mayo 28.

Ayon sa alkalde, ito ay upang bigyang daan ang disinfection dahil maraming empleyado ng Iloilo City Hall ang nagpositibo sa COVID-19.

Magsasagawa rin ng mass testing sa libo-libong empleyado upang matukoy ang mga nahawaan ng COVID-19.

Sa data ng Iloilo City-Epidemiology and Surveillance Unit ngayon Mayo, nasa 26 na ang confirmed COVID-19 cases kabilang ang dalawang namatay na City Hall employees.