Tiniyak ni PNP chief Oscar Albayalde na mareresolba pa rin ang kaso ng pagpatay kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.

Ito ay kahit tampered na ang engine at chassis number ng nabawing Toyota Hi Lux sa bayan naman ng Maragondon.

Ayon kay Albayalde, marami pa ring paraan upang matunton kung sino ang may-ari o bumili ng sasakyan na ginamit sa krimen.

Ang nasabing sasakyan na tinangkang ihulog sa isang tulay sa nasabing lugar ay siyang pinaniniwalaang ginamit sa pananambang sa opisyal.

Bukod sa tampered ang engine at chassis number ay wala na rin itong plaka at conduction sticker.

-- Advertisement --

Sa ngayon ay pulitika pa rin ang tinitingnang pangunahing motibo sa krimen kung saan ay mayroon na umanong natukoy na persons of interests ang binuong task group.

Samantala, pulitika rin ang nakikitang motibo ng PNP chief sa pagpatay naman sa vice mayor ng Sapa Sapa, Tawi Tawi na si Al Rasid Mohammad Alih.

Pinatay si Alih ng riding-in-tandem sa Zamboanga City nitong Miyerkules ng hapon.

Gumugulong na rin ang imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa bise alkalde.