Pormal ng nagsampa ng kaso si Senator Risa Hontiveros laban sa ilang kilalang Duterte Supporter Vloggers at mga kasama pang indibidwal kaugnay sa kumakalat na video ng dating witness ng senado.
Kung saan personal na nagtungo ang naturang senadora at ang legal team niya sa Department of Justice partikular sa National Prosecution Service ng kagawaran.
Dito niya idinulog ang kanyang hinaing patungkol sa pagkalat ng video ni Michael Maurillo, dating Senate Witness na binawi ang kanyang testimonya ukol sa kaso ni Pastor Apollo Quiboloy.
Kaya’t kanyang isinapormal na ang paghahain ng kasong cyber-libel laban kina Atty. Ferdinand Topacio, online content creator na si Byron Cristobal (alias Banat By), Jeffrey ‘Ka Eric Celiz’, Krizette ‘Kiffy’ Chi, Jose ‘Jay’ Sonza at Alex Destor (alias Tio Moreno).
Maging si Michael Maurillo ang dating senate witness ay kanya ring sinampahan ng kaso hinggil sa naturang isyu ng pagbaliktad sa kanyang pahayag.
Dagdag pa rito’y ipinaliwanag ni Senadora Risa Hontiveros ang ginawang aksyon ng mga naturang ‘respondents’ sa kaso.
Aniya’y sa tulong din ng National Bureau of Investigation (NBI), kanilang kinokolekta pa ang mga video na kumalat at ipinost online laban at paninira umano sa kanya.
Kaya’t binigyang diin ng senadora na mayroon silang sapat na katibayan na makapagpapatunay sa kanyang mga akusasyon laban sa mga nabanggit na vloggers at indibidwal.
Habang ang kay Michael Maurillo naman, isa din siya sa mga kinasuhan ng senadora sa pagbaliktad nito ng kanyang testimonya na matatandaan na siya’y dating senate witness laban kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ang panig naman ng kay Atty. Ferdinand Topacio, kabilang sa mga kinasuhan ay sinabi niyang hihintayin niya munang matanggap ang kopya ng complaint bago niya ibahagi ang kanyang pahayag.