Dapat na umanong ipahinga ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang claims na kinidnap ito at pwersahang dinala sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ito ay matapos pagtibayin ng ICC Pre-Trial Chamber I ang hurisdiksiyon nito sa inaakusang crimes against humanity charges laban sa dating Pangulo sa naging ruling nito kahapon, na nagbabasura sa paghamon ng depensa sa hurisdiksiyon ng international tribunal.
Ayon kay Bayan Muna chair Neri Colmenares, isa sa mga abogadong kumakatawan sa drug war victims, sinisira ng naturang ruling ang claims ng depensa na kinidnap ang dating Pangulo.
Matatandaan kasi na sa pagharap sa ICC ni dating executive secretary Atty. Salvador Medialdea, na nagrepresenta kay dating Pangulong Duterte matapos arestuhin at ilipad patungong Netherlands noong Marso, sinabi niya sa harap ng mga ICC judges na maituturing na “abduction, kidnapping at political score settling” ang pag-aresto at paraan ng pagdala sa kaniya sa tribunal.
Kasunod naman ng panibagong development sa kaso ng dating Pangulo sa ICC, sinabi ni Colmenares na ang magiging susunod na hakbang ay ang pagpapatuloy na ng confirmation of charges hearing at ang pag-isyu ng arrest warrants sa mga co-perpetrator pa ng dating Pangulo.
Si Colmenares ay isa sa mga abogadong bumalangkas ng isa sa mga reklamo laban kay Duterte na inihain sa ICC noong 2018, isang taon bago kumalas ang Pilipinas mula sa Rome Statute.
Samantala, sinabi naman ngayong araw, Oktubre 24 ng lead counsel ni dating Pangulong Duterte na si Nicholas Kaufman na maghahain ito ng apela laban sa desisyon na nagpapatibay sa hurisdiksiyon ng ICC sa kaso.















