Tinututukan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpaparami ng active transport facilities sa bansa, kabilang ang pagtatayo ng mas maraming bicycle lanes, upang mabawasan ang mga insidente ng road crash.
Sa isang road safety summit na ginanap sa Pasig City, sinabi ni DOTr Director IV Joshua Rodriguez na isa sa pangunahing programa ng ahensya ang active transport project na nakatuon sa pagdagdag ng Class 1 bike lanes para sa publiko.
Ipinaliwanag ni Rodriguez na may iba’t ibang uri ng bike lanes—Class 3 (shared lane), Class 2 (separated lane), at Class 1 na may harang sa pagitan ng siklista at mga sasakyang de-motor.
Giit pa ng opisyal, kabilang sa pinaka-vulnerable sa mga road crash ang mga gumagamit ng non-motorized transport at mga pedestrian, kaya mahalagang maprotektahan sila sa pamamagitan ng mas ligtas na imprastraktura.
“The only way we can avoid road crashes involving them is to prevent other road users or other motorized vehicle users from entering their lane,” dagdag niya.
Ayon pa sa DOTr, umabot na sa humigit-kumulang 1,100 kilometro ng bike lanes ang naitayo sa buong bansa hanggang sa unang quarter ng 2026.
Target naman ng ahensya na palawakin ito sa 2,400 kilometro pagsapit ng 2028 bilang bahagi ng mas malawak na road safety at sustainable transport plan.
















