Magdo-donate ang Villar Group of Companies ng anim na lote na kailangan para sa right-of-way ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension matapos makipagkasundo sa Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa DOTr nagkasundo ang dalawang panig sa tatlong kondisyon para sa donasyon ng lupa: ang pagbibigay ng unconditional permit to enter, waiver of subrogation laban sa pamahalaan, at pagkansela ng mortgage sa mga lupang ido-donate.
Nabuo ang kasunduan sa pulong kasama sina Transportation Secretary Banoy Lopez at mga kinatawan ng Villar Group nitong Biyernes, Agosto 7.
Noong nakaraang buwan, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr na resolbahin ang mga isyu sa right-of-way na nakaaantala sa pagpapalawig ng LRT-1 hanggang Cavite.
Target naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na makumpleto ang buong LRT-1 Cavite Extension bago matapos ang termino ng administrasyong Marcos sa 2028.
Sa kasalukuyan, ginagamit na ng publiko ang Phase 1 ng proyekto na nag-uugnay sa Baclaran Station at Dr. Santos Station sa pamamagitan ng limang bagong estasyon.
Samantala, nakatakda namang itayo ang mga estasyon sa Las Piñas, Zapote, at Niog.
Ayon sa Villar Group, inaasahang malalagdaan ngayong buwan ang Memorandum of Agreement, Right-of-Way Acquisition Agreement, at Deed of Donation upang makapagsimula ang konstruksyon sa susunod na taon.
Ang LRT-1 Cavite Extension ay nagkakahalaga ng P64.9-billion na proyekto na pinopondohan ng pambansang pamahalaan, Japan International Cooperation Agency (JICA), at Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Kapag natapos, madaragdagan ng 11.7 kilometro ang kasalukuyang linya ng LRT-1, mula 20.7 kilometro hanggang 32.4 kilometro, upang mapahusay ang serbisyo sa mga pasahero sa Metro Manila at Cavite.
















