-- Advertisements --

Patuloy na minomonitor ng mga eksperto ang tatlong bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Kabilang dito ang Typhoon Saudel na huling namataan sa layong 2,555 kilometro sa silangan ng Hilagang Luzon.

Taglay ng naturang bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 150 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugsong papalo sa 185 kilometro kada oras, at kumikilos patungong hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Samantala, binabantayan din ang isang tropical depression sa layong 1,055 kilometro sa silangan ng Silangang Visayas.

May taglay itong lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 55 kilometro kada oras, at mabilis na kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Nasa labas din ng teritoryo ng bansa ang Tropical Depression Gaenari na namataan sa layong 660 kilometro sa hilaga hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.

Taglay naman nito ang lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras, pagbugsong aabot sa 70 kilometro kada oras, at kasalukuyang mabagal na kumikilos patungong hilagang-kanluran.