-- Advertisements --

Tumaas pa sa 7.4 milyong indibidwal o katumbas ng 2.1 milyong pamilya ang apektado ng mga tumamang kalamidad sa bansa.

Sa pinakabagong datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala ang mga apektadong populasyon sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region, National Capital Region, at MIMAROPA

Nananatili sa 29 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng mga bagyong Luis, Maymay at ng habagat.

Sa mga naitalang nasawi, 15 ang narekober sa Benguet, 4 sa Rizal at Batangas, 2 sa Caloocan at tig-isa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental.

Mayroon pa ring tatlong katao na napaulat na nawawala habang 19 ang nasugatan.

Sa ngayon, nananatili pa rin sa mga evacuation center ang 40,600 indibidwal o katumbas ng 11,900 pamilya.

Pumalo naman na sa tinatayang 2,300 kabahayan ang nagtamo ng pinsala sa pananalasa ng mga kalamidad.

Sa kasalukuyan, nasa 89 na lugar na sa buong bansa ang idineklara sa ilalim ng state of calamity bunsod ng naging epekto ng mga bagyo at habagat.