Uminit ang pagdinig sa Senate Impeachment Court matapos kundenahin ni Senator-Judge Raffy Tulfo si Office of the Vice President (OVP) Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio ukol sa mga kuwestyonableng acknowledgement receipt ng kaniyang tanggapan.
Direktang kinuwestiyon ni Tulfo si Ortonio kung bakit hindi man lamang nito inusisa ang mga pangalang nakatala sa mga resibo bago lagdaan ang mga kaukulang dokumento.
Buong-diin na tinanong ng senador sa opisyal kung “nakapikit” ba itong pumirma noon.
Ayon sa senador, imposibleng hindi napansin ng opisyal ang mga iregularidad dahil bukod sa pare-pareho ang mga nakasaad na halaga, kapansin-pansin din ang mga kakaiba at hindi karaniwang pangalang nakatala sa mga resibo.
Binigyang-diin pa ni Tulfo na isang edukadong tao si Ortonio kaya’t tiyak na batid nitong hindi man lang akma o makatotohanan ang ilang apelyidong nakasulat sa mga dokumento tulad ng “Pusa,” “Pagong,” at “Belat.”
Giit ng senador, mistulang “nagma-maang-maangan” lamang si Ortonio sa harap ng hukuman.
Muli ring ibinabala ng senador ang umano’y “*blind loyalty*” ng ilang opisyal sa kanilang pamunuan, dahilan upang tuluyan nang ipagwalang-bahala ang mga maliwanag na kamalian at iregularidad.
















