Nakatakda pa ring simulan ng Department of Transportation (DOTr) ang partial operations ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) sa ikalawang kwarto ng 2027.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, nasa tamang iskedyul naman daw ang proyekto at target pa rin ng ahensya na mabuksan ang 12 istasyon ng MRT-7 sa susunod na taon.
Bukod sa MRT-7, nagbigay rin ang DOTr ng update sa iba pang malalaking infrastructure projects.
Inaasahang magsisimula na ang operasyon ng Port of Lucena sa Agosto, habang target namang mabuksan bago matapos ang taon ang tatlong bagong EDSA Busway stations sa Bagong Barrio, Balintawak, at Guadalupe.
Sinabi rin ng DOTr chief na inaasahang matatapos sa Disyembre ang Bukidnon Airport terminal, habang target namang makumpleto sa Oktubre ang bagong passenger terminal ng Siargao Airport.
Samantala, inaasahan ding matatapos bago matapos ang taon ang Phase 1 ng Sto. Tomas–Tiaong segment ng South Long Haul Project.
Tungkol naman sa Metro Manila Subway Project, sinabi ni Lopez na maayos naman ang takb ng konstruksyon. Ayon sa kanya, 90 porsiyento na ng kinakailangang right-of-way acquisition ang natapos na noong Hunyo.
Dagdag pa niya, natapos na rin ang tunnel excavation sa ilang bahagi ng subway line, habang malapit na ring makumpleto ang iba pang tunnel works.
Target ng DOTr na magsagawa ng demonstration run ng Metro Manila Subway sa 2028, bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
















