Patuloy pa umano ngayon ang ginagawang diskusyon ng NBA Board of Governors tungkol sa posibilidad na ipagpaliban ang simula ng 2020-2021 season hanggang sa buwan ng Disyembre.
Sinasabing sumesentro ang nasabing ideya sa pagkakaroon ng mas mahabang oras upang makabalik ang mga fans sa mga playing arenas para sa mga posibleng laro sa susunod na season.
Wala pa naman umanong plano ang liga na maglabas ng desisyon ukol dito.
Samantala, ipinagpaliban na muna ng NBA ang lottery na magdedetermina kung aling NBA team ang makakasungkit ng number one overall draft pick, maging ang draft combine dahil sa coronavirus outbreak.
Nakatakda sanang gawin sa Chicago ang nasabing mga events kung saan sa Mayo 20 (oras sa Pilipinas) sana idaraos ang lottery, habang sa Mayo 22 hanggang 25 ang draft combine.
Sinabi naman ng NBA na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon, at kokonsulta sila sa mga eksperto at mga opisyal ng gobyerno kung kailan maaaring i-reschedule ang naturang mga okasyon.