Umakyat na sa 60,394 pamilya o kabuuang 215,074 indibidwal mula sa 538 barangay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Hanging Habagat at patuloy na pag-ulan sa Region 1.
Ayon kay Freddie C. Evangelista, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1, itinaas na sa Red Alert ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) dahil sa patuloy na banta ng pagbaha at iba pang sakuna.
Nakararanas ngayon ng pagbaha ang lahat ng apat na lalawigan sa rehiyon, kung saan partikular na malawak ang baha sa Pangasinan dahil sa malaking volume ng tubig-ulan.
Batay sa pinakabagong datos ng OCD Region 1, umabot sa 63 insidente ng pagbaha ang naitala, kung saan 41 na rito ang humupa, bukod pa sa limang landslide at isang insidente ng falling debris. Naitala rin ang dalawang casualty sa rehiyon, kabilang ang isang nasugatan sa Ilocos Sur at isang nawawala.
Patuloy naman ang validation sa iba pang ulat katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), kabilang ang isang insidente sa Alaminos City, Pangasinan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng RDRRMC sa mga lokal na pamahalaan (LGU) upang matukoy ang mga pangangailangan at matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga apektadong komunidad.
Muli namang hinimok ng OCD Region 1 ang publiko na manatiling alerto at regular na subaybayan ang mga opisyal na weather at disaster advisory.
















