-- Advertisements --

Tiniyak ng Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) na mananatiling sapat ang suplay ng bangus sa lalawigan hanggang buwan ng Disyembre.

Ayon kay SAMAPA President Christopher Aldo Sibayan, naglalaro sa P170 hanggang P180 kada kilo ang presyo ng bangus sa kasalukuyan batay sa laki, weight, at dami ng binibili.

Ipinaliwanag ng opisyal na mas mababa ang presyo sa Maynila dahil sa dagsa ng ani mula sa Bulacan at Laguna na may mas mababang production cost.

Inaasahang magpapantay din ang presyo kapag natapos na ang harvest season sa ibang probinsya habang bahagyang tumataas ang demand ngayong Undas dahil sa mga bakasyonista.

Patuloy naman ang malawakang distribusyon ng SAMAPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang ang Navotas, Malabon, at Cagayan Region.

Tinatayang kalahati ng kabuuang ani sa Pangasinan ang ipinapadala sa labas ng lalawigan habang ang natitirang kalahati ay inilalaan para sa lokal na merkado.