Patuloy na makakaapekto ang habagat sa ilang parte ng Luzon ngayong Martes, Agosto 10, subalit tinatayang hihina na ito sa mga susunod na araw, base sa forecast ng state weather bureau.
Ayon kay weather specialist Chenel Dominguez, inaasahan pa rin ang pabugso-bugsong malakas na pag-ulan dulot ng habagat sa Luzon partikular sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.
Batay naman sa 24-hour havy rainfall outlook, nasa tatlong lugar ang tinatayang makaranas ng 100 hanggang 200 millimeters na pag-ulan ngayong araw kayat ibinabala nito ang posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Makararanas naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ambon sa Metro Manila, Calabarzon, malaking parte ng Central Luzon, Benguet, Pangasinan at Camarines Norte.
Inaasahan naman na ang pagbuti ng panahon sa nalalabing lugar sa Luzon.
Samantala, patuloy naman aniyang magdadala ng mga pag-ulan ang habagat sa Palawan subalit maaliwas na panahon na may tiyansa ng localized thunderstorms sa hapon at gabi ang posibleng maranasan sa Visayas at Mindanao.
Sa mga susunod na araw ay inaasahan na patuloy nang hihina ang habagat at makararanas na ng maaliwalas na panahon ang malaking bahagi ng bansa.
















