-- Advertisements --

Ipinatupad ng Palasyo Malacañang ang work-from-home arrangement sa mga government offices sa Zambales, Bataan at Occidental Mindoro ngayong Martes, Agosto 11, dahil sa masamang panahon dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.

Batay ito sa Memorandum Circular No. 124, na nilagdaan ng Office of the President matapos i-rekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa ilalim ng kautusan, hindi muna papapasukin sa kanilang mga tanggapan ang mga empleyado ng gobyerno ang tatlong lalawigan at sa halip ay magtatrabaho mula sa kanilang mga tahanan.

Samantala, una nang ipinatupad ang alternative learning modes para sa lahat ng antas ng paaralan sa mga lalawigang nabanggit, maliban kung maglalabas ng ibang direktiba ang kani-kanilang local chief executives.

Hindi naman sakop ng work-from-home arrangement ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster at calamity preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo.

Inatasan din ang mga naturang ahensya sa lalawigan na manatiling operational at ipagpatuloy ang paghahatid ng kinakailangang serbisyo sa publiko.