-- Advertisements --

Nag-landfall na ang Tropical Storm (ST) Maymay sa bayan ng Magsingal, Ilocos Sur nitong Huwebes ng madaling araw, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Taglay ng bagyo ang hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 110 kilometro kada oras, habang kumikilos pasilangan sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Batay sa datos ng state weather bureau, inaasahang hihina ang ST Maymay at magiging tropical depression ngayong umaga habang tumatawid sa kalupaan, bago tuluyang maging low-pressure area (LPA) pagsapit ng hapon o gabi. Posible rin umanong mas maagang humina ang bagyo dahil sa epekto ng mabundok na lugar sa Luzon.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, malaking bahagi ng La Union, hilagang-kanlurang Pangasinan, Abra, kanlurang bahagi ng Apayao, Kalinga, Mountain Province, hilagang-kanlurang Benguet, at ilang bahagi ng Cagayan.

Samantala, Signal No. 1 naman ang umiiral sa natitirang bahagi ng La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Benguet, Ifugao, mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, ilang bahagi ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, at katimugang bahagi ng Babuyan Islands.