Kinumpirma ni Pampanga Governor Dennis Pineda ang pagguho ng 100 mterong porsyon ng San Fernando-Sto. Tomas-Minalin Tail Dike sa gitna ng tuluy-tuloy na mabibigat na pag-ulan.
Ito aniya ang kanilang nalaman sa isinagawang inspeksiyon kasama si Minalin Mayor Philip Naguit.
Nanganganib naman na maapektuhan ng gumuhong bahagi ng dike ang ilang pangisdaan, na nagsisilbing pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan ng mga residente sa lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Naguit na hihilingin ni Gov. Pineda kay DPWH Sec. Vince Dizon na agad ayusin ang gumuhong dike. Pansamantala namang naglagay ng sandbags upang maibsan ang epekto ng baha sa lugar.
Ang naturang dike ay isang flood control structure na may habang sampung kilometro, na nasa ibaba ng FVR Megadike at nagsisilbing final defense line para mapangasiwaan ang daloy ng tubig bago ito mapunta sa coastal areas at Manila Bay.










