Iginiit ni House Prosecution Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa na hindi sapat na dahilan ang kakulangan sa oras o availability ng mga abogado ng depensa para ipagpaliban ang pagko-compare ng mga dokumentong gagamitin sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tolosa, Layon ng direktiba ng presiding officer na mapabilis ang paglilitis sa pamamagitan ng paghahambing sa mga liquidation report at iba pang common exhibits bago ang nakatakdang pagdinig.
Inihayag kasi ng depensa na August 14 pa nila kayang magsagawa ng document comparison, kahit na inabisuhan na sila nuong Miyerkules.
“Hindi naman kailangan buong team sumama” para sa document comparison, ani Tolosa, dahil 16 na abogado naman ang opisyal na nag-enter ng appearance para sa depensa.
Hindi man aniya niya sinasabing sinasadya ng depensa ang pagkaantala, sinabi ni Tolosa na ang kanilang mga naging hakbang ay “nakaka-cause talaga ng delay” sa proceedings.
Ayon pa sa abogado, maaari nilang iharap ang usapin sa susunod na hearing at ipaubaya sa presiding officer ang magiging aksyon dito.










