Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na ang pagkasawi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral ay nagdudulot ng karagdagang pagsubok sa kanilang kasalukuyang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga proyekto para sa pagkontrol sa baha o flood control projects.
Ipinaliwanag ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na ang mga potensyal na pahayag o salaysay na sana ay manggagaling kay Cabral ay malaki ang maitutulong sa paglilinaw ng mga detalye sa pagdinig na isinasagawa ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga proyekto.
Dagdag pa niya, ang mga impormasyong sana ay ibabahagi ni Cabral ay maaaring makapagbigay linaw sa mga katanungan at isyu na lumalabas sa imbestigasyon.
Gayunpaman, dahil sa kanyang pagpanaw, hindi na maisasakatuparan ang pagkakataong ito.
Hindi na rin aniya mabibigyan ng pagkakataon si Cabral na ipagtanggol ang kanyang sarili mula sa anumang implikasyon, pagdawit, o pagdiin na maaaring ibato sa kanya kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa imbestigasyon sa mga proyekto ng flood control.
Sa kabila ng dagok na ito sa imbestigasyon, tiniyak ni Fadullon na mayroon pang ibang mga anggulo na kasalukuyang sinusuri at binibigyang pansin ang mga imbestigador.
Bukod pa rito, mayroon din umanong iba pang mapagkukunan ng impormasyon na maaaring magamit bilang kapalit o suporta sa mga salaysay na inaasahan sanang magmumula kay Cabral.














