CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na kinontra ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ang opinyon na inilabas ng University of the Philippines OCTA Research Team na kabilang ang lungsod sa mga lugar na itinatrato na nasa area of concerns dahil sa paglobo pa ng COVID-19 cases.
Ito ay kahit nakapasok na ang vaccination rollout gamit ang magkaibang mga bakuna para sa medical frontline workers at senior citizens dito sa bahagi ng Northern Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Moreno na buwan pa lang ng Marso hanggang sa kasalukuyan ay batid nito ang pag-akyat ng mga kaso at hindi niya ito itinago kaya umapela na hindi magluwag sa pagsunod ng minimum public health standards laban sa virus.
Sinabi ni Moreno na batay sa kanilang case analytics, kaya lomobo ang mga kaso sa syudad ay nagkaroon na ng malaking kumpiyansa ang publiko kumpara sa unang pagpasok ng bayrus sa taong 2019.
Dagdag ng alkalde na kadalasan sa mga panibagong kaso ay natukoy na nagmula sa family link at kasamahan sa trabaho maging ang pagdalo sa iba’t-ibang uri ng mga pagtitipon kaya mabilis ang local transmission.
Bagamat tiniyak ng opisyal na kaya pa kontrolin ng syudad ang pag-akyat ng kaso at katunayan ay pinakalakas nito ang critical care utilization upang mas mapakinabangan ang isolation facilities na itinayo ng city government.
Magugunitang maliban sa Northern Mindanao Medical Center na nagsilbing tahanan ng severe at critical patients ay nagamit na rin ang reemerging infectious diseases (EREID) facility para sa mild conditions na mga pasyente lamang.
Sa loob ng araw na ito,iniulat ng alkalde na nasa 128 na bagong kaso ang naitala sa loob ng 48 oras dahilan na umakyat pa sa 5,430 ang kompirmadong nagka-positibo kung saan 229 na ang pumanaw.