-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang patas na pagtrato sa lahat ng persons deprived of liberty (PDLs) kasunod ng pag-avail ng nakakulong na government contractor na si Sarah Discaya sa “e-dalaw”, isang online visitation program ng kawanihan.

Ayon kay BJMP spokesperson at Jail Superintendent Jayrex Bustinera, noong Pasko hindi pisikal na dinalaw si Discaya ng kaniyang pamilya kundi sa pamamagitan ng kanilang e-dalaw system.

Tanging ang kaniyang mga abogado aniya ang may direktang komunikasyon sa kaniya.

Ipinaliwanag din ng BJMP official na lahat ng bilanggo ay nakaka-avail ng parehong pribelihiyo na gumamit ng e-dalaw.

Iginiit din Jail Supt. Bustinera na tinatrato nila si Discaya gaya ng ibang mga bilangggo, alinsunod sa direktiba ni Justice Secretary Jonvic Remulla at ni BJMP Chief Jail Director Ruel Rivera na nagbabawal sa anumang uri ng VIP treatment.

Sa parte aniya ng BJMP, sinisiguro nila sa publiko na pantay-pantay ang kanilang pagtrato sa lahat ng PDL at walang VIP treatment.

Kasalukuyan ngang nakakulong si Sarah Discaya sa Lapu-Lapu City Jail Female Dormitory na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng BJMP dahil sa kasong graft at malversation may kaugnayan sa maanomaliyang flood control projects.