-- Advertisements --

Itutuloy ang paglilitis ng impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6 sa kabila ng isyu kaugnay ng isang selyadong kahon ng mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue.

Ayon kay Senate Secretary at impeachment court clerk Atty. Renato Bantug Jr., ‘walang dahilan upang maaapektuhan ng naturang usapin ang itinakdang pagsisimula ng paglilitis.

Ang selyadong kahon ay naglalaman ng mga income tax return ni VP Sara at ng kaniyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Lumitaw ang isyu matapos hilingin ng House prosecution panel sa isinagawang pre-trial conference na buksan, at markahan ang kahon bilang bahagi ng kanilang mga ebidensiya.

Samantala, nakatakdang ilalabas sa Hunyo 29 ang pre-trial order ng impeachment court.

Nakalagay rito ang mga napagkasunduan ng prosekusyon at depensa, kabilang ang mga facts na hindi na pinagtatalunan, listahan ng mga testigo, at iskedyul ng paglilitis.

May tatlong araw naman ang magkabilang panig, o hanggang Hulyo 2, upang magsumite ng kanilang mga komento sa naturang pre-trial order.