Hindi pa tiyak kung makakapaglaro si Denver Nuggets forward Aaron Gordon sa Game 7 laban sa Oklahoma City Thunder dahil sa hamstring injury na kaniyang tinamo sa huling bahagi ng Game 6.
Inilabas ng Nuggets ang diagnosis sa injury ni Gordon ngayong araw ngunit hindi kinumpirma kung maglalaro siya sa Game 7 ng Western Conference semi-finals bukas, araw ng Linggo (May 18) sa o tuluyan na siyang magpapahinga.
Ayon kay Denver interim head coach David Adelman, hindi pa malinaw ang tunay na status ni Gordon ngunit patuloy na umaasang mabibigyan siya ng clearance para makasama ng koponan sa do-or-die game.
Ngayong season, ilang beses nang nagkaroon ng injury ang batikang forward kung saan sa 82 regular-season games ay tanging 51 ang kaniyang nalaro.
Sa playoffs history ng Denver kasama si Gordon, hawak ng batikang forward ang career playoff average na 16.8 points at 7.3 rebounds per game. Ilang beses din siyang gumawa ng mga game-winning shot sa mga playoff games ng Nuggets.
Nakatakda ang laban ng Thunder at ng 2023 NBA champion sa homecourt ng una kung saan ang mananalo sa kanilang dalawa ay makakaharap ng Minnesota Timberwolves sa finals ng western conference.
Tanging ang naturang match na lamang ang hinihintay upang makumpleto ang finals picture sa dalawang conference.
Sa east ay maghaharap ang New York Knicks at Indiana Pacers.