Nakarating na sa Malacañang ang mga report kaugnay sa ilang opisyal ng gobyerno na lumabag sa health protocols na initakda ng Department of Health (DOH).

Magugunitang umani ng batikos sina Sen. Koko Pimentel at ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap matapos nakihalubilo pa sa publiko kahit person under investigation (PUIs) na at nakumpirmang positibo sa COVID-19 kalaunan.

Si Sen. Pimentel ay sinamahan pa ang misis sa Makati Medical Center at nagpunta pa sa isang mataong supermarket sa Bonifacio Global City sa Taguig City habang si Cong. Yap ay nagpunta sa Palasyo noong nakaraang Sabado kung saan nakahalubilo ang ilang Cabinet secretaries at iba pang opisyal ng gobyerno.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, conflicting umano ang mga nasabing report kaya minabuti ng Office of the President (OP) na ipaubaya na lamang sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan kung may reklamo para imbestigahan at malaman ang katotohanan.

Ayon kay Sec. Panelo, dapat sundin ng lahat ng mga persons under investigation ang mga itinakdang protocol, kahit ano pa man ang kanilang socio-political status.

Ginawa ni Sec. Panelo ang pahayag sa kabila ng pagkondena na ng MMC sa paglabag na ito ni Sen. Pimentel at pagkumpirma na rin ng nasabing supermarket batay sa kuha ng kanilang CCTV.

Si Cong. Yap naman ay posibleng kasuhan na ng Presidential Security Group (PSG) dahil sa pagpunta pa rin nito sa Palasyo kahit siya na ay PUI.

“The protocols set by the government for persons under investigation or monitoring must be strictly and absolutely observed by all people falling under the said categories, regardless of their socio-political status. They are not meant to discomfit or burden anyone. They have been established to ensure that public health and safety are secured at all times. There are no exemptions for any person on these health protocols. Those holding high positions in the government are enjoined to set an example to their constituents by strictly observing them,” ani Sec. Panelo.