-- Advertisements --

Hindi umano isinasantabi ng pamunuan ng PBA ang posibilidad na kanselahin na lamang ang buong 2020 season bunsod ng coronavirus pandemic.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, masusi nilang pinag-aaralan ang lahat ng posibleng mga scenario, kasama na rin ang pagsasagawa na lamang ng isa o dalawang conference.

“Hindi kasi natin masabi. If ever i-lift na yung ECQ (Enhanced Community Quarantine) by April 30, baka unti-unti lang muna yan. Puwedeng partial lifting lang or puwedeng selective barangay quarantine muna,” wika ni Marcial.

“So i-allow na ba noon ng gobyerno ang mass gathering? E kung wala pang go-signal, hindi rin makakalaro ang liga.”

Inihalimbawa rin ni Marcial ang Chinese Basketball Association (CBA), na nagsuspinde ng laro noong Pebrero 1 nang magsimulang lumobo ang mga kaso ng coronavirus sa Hubei province, kung saan nagmula ang virus.

Bagama’t inisyal na tinarget ng CBA na ibalik ang season sa Abril, napagpasyahan na lamang nila na ipagpaliban ulit ito hanggang sa kalagitnaan ng Mayo.

“Hindi pa rin nga nila sigurado kung matutuloy na sila ng May considering na tapos na yung lockdown sa Wuhan,” giit ni Marcial.

Napagkasunduan din anya sa kanilang board meeting noong Martes ang pagsasagawa na lamang ng dalawang conference kung sakaling manumbalik na ang sitwasyon sa normal pagsapit ng Hunyo.

“Ang problema paano kung abutin ito ng September? Six months pahinga ang mga teams nun, kaya kailangan magpakundisyon pa ulit ang mga yan. So ano pa matitira sa season natin?” ani Marcial.

Nakatakdang magpulong ulit via online ang PBA board sa Abril 30.