CAGAYAN DE ORO CITY – Lumutang ngayon na kaya bigla umanong binawian ng buhay ang kontrobersyal na si dating Ozamiz City Councilor Ricardo ‘Ardot’ Parojinog ay dahil sa seryosong iniindang karamdaman ng kanyang pangangatawan.
Ito ay matapos lumalabas sa initial findings na nagkaroon si Parojinog ng cardio pulmonary arrest secondary to cardio vascular disease and probable COVID-19 disease habang nasa loob ng mini-cell ng Ozamiz City Police Station nitong Biyernes.
Ito ang isinalaysay ni Ozamiz City Police Station commander Maj Peter Rhyan Revillas matapos mahawakan na nito ang findings mula sa city health office ng lungsod na nagsagawa ng medical evaluation sa bangkay ni Parojinog.
Inihayag ni Revillas na hinihintay nila ang confirmatory test ng swab specimen kung talagang tinamaan ng coronavirus si Parojinog dahilan ng kanyang pagkamatay.
Una nang nadiskubre ng cell guard na hindi na gumalaw si Parojinog nang ginising ito kaninang umaga para maghanda na sana sa kanyang criminal case arraignment sa korte ng Ozamiz City.
Si Ardot na kapatid ni late Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr ay mayroong kinaharap na kasong murder, at ibang serious criminal charges.