-- Advertisements --

Nagkasundo na ang Thailand at Cambodia para sa agarang ceasefire o tigil-putukan sa kanilang borders ngayong Sabado, Disyembre 27.

Sa isang joint statement, nangako ang dalawang bansa na itigil ang ilang linggong deadly border clashes na kumitil na ng 101 katao at nagpa-displace sa mahigit kalahating milyong indibidwal sa parehong bansa.

Nilagdaan ang naturang ceasefire agreement nina Thai Defense Minister Natthaphon Narkphanit at kaniyang Cambodian counterpart na si Defense Minister Tea Seiha.

Base sa Thai at Cambodian defense ministers, kapwa nagkasundo ang magkabilang panig na panatilihin ang kasalukuyang deployment ng kanilang mga tropa nang walang karagdagang paggalaw kabilang ang lahat ng uri ng kanilang weapons gayundin ititigil ang mga pag-atake sa mga sibilyan at mga imprastruktura.

Epektibo ang ceasefire kaninang tanghali ng Sabado local time. Sa oras na mapanatili ang ceasefire 72 oras matapos itong maging epektibo, ayon kay Cambodian Defense Minister Tea Seiha, papakawalan ng panig ng Thailand ang 18 sundalong Cambodians na kanilang nadakip sa mga nakalipas na labanan.

Bahagi rin ng kasunduan ang pagpayag sa mga sibilyan na naninirahan sa borders na makabalik na sa kanilang mga tahanan sa lalong madaling panahon. Napagkasunduan din ng dalawang bansa ang pagtutulungan sa demining efforts at paglaban sa cybercrime.

Naisakatuparan ang naturang kasunduan kasunod ng puspusang peace talks sa pagitan ng dalawang magkaratig-bansa matapos muling sumiklab ang tensiyon sa kanilang borders sa unang bahagi ng Disyembre ng kasalukuyang taon.