Nagkasundo na ang mga lider ng Thailand at Cambodia sa isang agarang tigil-putukan nitong Lunes, matapos ang limang araw ng pinakamadugong sagupaan sa pagitan ng dalawang bansa sa mahigit isang dekada.
Ginawa ang kasunduan matapos ang pulong sa Malaysia na pinangunahan ni Prime Minister Anwar Ibrahim na kasalukuyang ASEAN Chair, kung saan parehong nangakong ihihinto ang putukan at ibabalik ang direktang komunikasyon.
“Today we have a very good meeting and very good results… that hope to stop immediately the fighting that has caused many lives lost, injuries and also caused displacement of people,” ayon kay Anwar sa isang press conference kasama ang dalawang lider.
Matatandaang nagsimula noong nakaraang linggo ang sigalot dahil sa matagal nang hidwaan sa border ng dalawang bansa, na nauwi sa malalakas na artillery strikes at Thai air strikes sa kanilang 817-km border.
Una naritong inalok ng China at Estados Unidos ang tulong sa negosasyon kung saan si U.S. President Donald Trump ay tumawag sa dalawang lider nitong weekend upang himukin ang kapayapaan,at nag babala na walang kasunduang pangkalakalan ang pipirmahan hangga’t hindi natatapos ang labanan.
Ayon kay Cambodian Prime Minister Hun Manet, ikinatuwa nila ang naging resulta ng pag-uusap at nangako sa pagbabalik ng normal na bilateral relationship sa Thailand.
Sinabi naman ni Acting Thai Prime Minister Phumtham Wechayachai na bagama’t may pagdududa siya sa simula ukol sa sinseridad ng Cambodia, handa aniya ang Thailand na tuparin ang tigil-putukan “in good faith.”