NAGA CITY- Inaalam na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Calabanga ang posibleng eksaktong address ng naging amo ng 33-anyos na babaeng namatay habang naghihintay ng masasakyan sa Pasay City.

Kinilala ang namatay na si Michelle Silvertino, ng Calabanga, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Calabanga Mayor Eduardo Severo, sinabi nito na nakikipag-ugnayan na sila sa isang agency na tumutulong na mag-asikaso sana ng mga papeles ng biktima para ito ay makapag-abroad.

Ngunit napag-alaman na ito ay may sakit sa baga kung kaya hindi na ito nakapag-abroad at namasukan na lamang bilang katulong sa Maynila.

Ayon pa dito, ang gusto lamang umano ng pamilya ng biktima, ay malaman ang tunay na kwento sa likod ng naturang insidente.

Kung maaalala, namatay ang naturang biktima habang naghihintay ng byahe sa may ilalim ng tulay ng Pasay para makauwi ng Bicol.

Samantala, siniguro naman ng alkalde na hindi nito papabayaan ang naiwang pamilya ng naturang biktima.