-- Advertisements --

Inihain ngayong araw ni Manila Rep. Benny Abante ang Anti-Online and Anti-Offsite Gambling Act of 2025.

Layon ng nasabing panukala na masawata ang online gambling and offsite betting, kasama ang e-sabong.

Para sa mambabatas, panahon nang wakasan ang aniya’y virus na pinagmumulan ng pagkalulong lalo na ngayong digital na ang pagsusugal.

Dagdag na niya na kahit pa marami ang nagsasabi na malaking pondo ang nakukuha ng gobyerno sa sugal na siyang ginagamit sa healthcare at infrastructure projects, hindi aniya nito matutumbasan ang masamang epekto na sumisira sa moralidad.

Punto pa niya na hindi na lang basta isyu ng sugal at adiksiyon ang usapin dahil may isyu na rin ng murder dito partikular ang mga nawawalang sabungero.

Hindi naman isinasantabi ni Abante na maisama sa imbestigasyon ang online lending applications na pinagkukunan ng mga nag-online gambling ng kanilang pantaya, kasama na rin ang mga e-wallets.
Tinukoy pa niya na mayroong mga OFW na nalululong sa sugal at nauubos ang ipon o mas malala ay nagkakautang pa.

Sabi pa ni Abante, panahon nang aksyunan ang isyu dahil karamihan din sa mga nalululong sa sugal ay mga mahihirap na lalo pang nababaon sa utang.

Walo hanggang labindalawang taong pagkakakulong at multa na hindi hihigit sa isang milyong piso ang parusa sa mga pagpapahintulot ng operasyon ng online gambling.

Sa mga gagawa ng online gambling sites o application at tatanggap o magpapataya, lima hanggang walong taong pagkakakulong at multa na seven hundred thousand hanggang one million pesos ang ipapataw na parusa.