-- Advertisements --
Panelo
Presidential Spokesman Salvador Panelo

Tinitiyak ng gobyerno ang seguridad sa Mindanao laban sa banta ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) kasunod ng ulat na pagkakapatay sa leader na si Abu Bakr al-Baghdadi.

Nitong Linggo, inianunsyo ni US President Donald Trump na nasawi si Abu Bakr sa sa pamamagitan ng military raid sa isang compound sa Northwest Syria.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bagama’t magandang balita ito partikular sa mga bansa kung saan nakakaranas ng takot at karahasan dahil sa ISIS, hindi pa rin nangangahulugan na pagkawala na rin ng mismong grupo.

Ayon kay Sec. Panelo, halimbawa na lamang sa kaso noon ni Osama Bin Laden na pinuno ng teroristang grupong al-Qaeda, na kahit napatay na ay may pumalit at nagpatuloy kanilang grupo.

Dahil dito, inihayag ni Sec. Panelo na napatay man o hindi ang lider ng ISIS, magpapatuloy lamang ang pagbabantay ng gobyerno sa seguridad sa Mindanao laban sa teroristang grupo. (Al Jazeera photo)