-- Advertisements --

Ipinauubaya na ng Department of Justice sa panel of prosecutors ang paghawak nito sa reklamong kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.

Ito mismo ang inihayag ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si Secretary Jesus Crispin Remulla patungkol sa kumento nito sa naturang kaso.

Kung saan tumanggi na muna itong magbigay ng pahayag hinggil sa ‘missing sabungeros case’ sapagkat aniya’y isa na itong aktibong kaso.

Ibig sabihin ay hawak na ito ng panel of prosecutors kasunod ng matapos na ang isinagawang ebalwasyon sa reklamong inihain ng kaanak ng mga nawawalang sabungero.

Hayaan na lamang raw dito magsalita ang mga magkabilaang panig sa gaganaping nakatakdang preliminary investigation ng kaso.

Maaalalang inahain ng kaanak ng mga sabungero kamakailan ang serious illegal detention at multiple murder laban sa negosyanteng si Charlie Atong Ang, Gretchen Barretto, at iba pa.

Itinakda ang skedyul ng preliminary investigation sa susunod na lingo, ika-18 ng Setyembre kung saan inaasahan posibleng magharap ang dalawang panig.

Samantala, inihayag naman ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na ang magkapatid na Julie at Elakim Patidongan ay kinakailangan pa munang makasuhan bago ma-discharge para kunin bilang ‘state witness’.

Aniya’y kung nais ng dalawang ‘whistleblower’ mapasailalim sa naturang protection program, dapat itong dumaan muna sa nabanggit na proseso.

Nang atin naming matanong si Justice Spokesperson Clavano kung kumusta na ang mga ‘technical divers’ ng Philippine Coast Guard, aniya’y nasa maayos naman na itong kalagayan.

Magugunita kasi na nitong nakaraan lamang ay inihayag ni Justice Secretary Remulla na nagkakasakit na ang mga ito dahil sa pagsisid sa tubig ng Taal lake.