-- Advertisements --

Lalo pang pinaigting nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jingping ang matagal nang pagiging magkaibigan ng Pilipinas at China, pati na rin ang comprehensive strategic cooperation ng dalawang bansa, na nakikitang mahalaga para sa post-pandemic recovery.

Ayon sa Malacanang naging “warm, open and productive” ang telesummit nila Duterte at Xi, na tumagal ng 45 minuto.

Sa naturang pag-uusap, nagpaabot din ng kanyang pagbati si Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping at sa mamamayan ng China sa Centennial Founding Annversary ng Communist Party of China.

Dito ay iginiit din ni Duterte ang commitment ng Pilipinas na papalakasin pa lalo ang bilateral ties sa China, partikular na sa trade at investment pati na rin sa infrastructure development.

“Asia’s dynamic future depends on how hard we all work together, how we respect each other and how we ensure that we as nations are mindful not just of our rights but of our responsibilities,” ani Duterte.

Nagpasalamat din si Duterte sa China dahil sa tulong nito sa COVID-19 response ng Pilipinas, pero nananawagan sa mas malawak pang kolaborasyon sa public health sector, partikular na sa vaccine development at production.

Hinimok nito ang China na magpasok ng mas marami pang investments sa mga mahahalagang sektor sa Pilipinas tulad ng sa agriculture, fisheries, information and communications technology at science and technology.

Kinialala rin ni Duterte ang tulong ng China sa Build, Build, Build infrastructure program kasunod nang pagtatapos ng Estrella-Pantaleon bridge na pinondohan ng Beijing.

Kaugnay nito, umaasa naman si Duterte sa maagang pagtatapos ng ongoing infrastructure projects at patuloy na suportahan ng China ang itinatayong landmark projects sa Pilipinas gaya na lamang ng flood control sa Mindanao, Pasig Marikina River bridges, Samal Island-Davao City Connector Project at Subic-Clark Railway project.

Napag-usapan din ng dalawa ang tungkol sa regional at global developments, pati na rin ang posibleng epekto ng mga ito sa Asia-Pacific.

Sa kabilang dako, nagpasalamat naman si Xi kay Dtuerte na kinukonsidera nito bilang “good friend and colleague” dahil sa inspiring remarks naman nito sa World Political Parties Summit noong Hulyo 2021, at sa vital role din nito sa paggulong ulit ng China-Philippines relations.

Kaya patuloy aniyang sisikapin ng China na mapanatili ang “principled friendship” nito sa Pilipinas, at palakasin din ang komprehensibong partnership nito sa bansa.

Kasabay nito, tiniyak ni Xi ang suporta para sa Pilipinas pati na rin sa mga nakalatag na bilateral projects, COVID-19 response, at posibleng joint collaboration sa vaccine development at production, pati rin sa paglaban sa terorismo.

Asahan din aniya ang mas marami pang donasyon nila ng mga bigas para sa Pilipinas salig sa pangako niya noong 2018 na magbigay ng kabuuang 10,000 metric tons ng bigas.

Iginiit ni Xi na handa ang China para sa pagpapayabong ng kapayapaan at kasaganaan para sa buong sambayanan.