-- Advertisements --

Tiniyak ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang agarang tulong sa 40 Filipino seafarers na nawalan ng trabaho dahil sa umano’y paglabag sa U.S. immigration policy.

Ayon kay Senador Raffy Tulfo, ang mga seafarers ay inakusahan ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) ng pag-access sa pornographic materials, kahit walang sapat na ebidensya.

Noong Agosto 22, 2025, una nang nagsagawa ng dayalogo ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kasama ang mga seafarer sa Pasay City upang talakayin ang kanilang mga hinaing at pangangailangan.

Kasama sa mga binigay ng DMW at OWWA ang legal assistance, employment facilitation, at pinansyal na tulong mula sa ”DMW AKSYON Fund” bilang pansamantalang suporta.

Nakasaad din na bibigyan sila ng reintegration assistance, kabilang ang mga training at upskilling programs upang madagdagan ang kanilang oportunidad sa trabaho, lokal man o sa abroad.

Samantala nanawagan naman si Tulfo, chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, sa mga bagong itinalagang ambassador ng Department of Foreign Affairs (DFA) na unahin ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), lalo na ang mga seafarers na ipina-deport mula sa Estados Unidos nang walang due process.

Binigyang-diin pa ni Tulfo ang pangangailangang makipag-ugnayan ang mga opisyal sa host countries upang wakasan ang illegitimate passport confiscation ng mga OFW, na karaniwang isyu sa middle east.