-- Advertisements --

Nanindigan ang Office of Civil Defense (OCD) na hindi na muna sila magbababa ng alert status na kasalukuyang nasa ‘Blue Alert Status’ bilang paghahanda na rin sa maaaring bantang dala ng panibagong binabantayang low pressure area (LPA).

Ayon kay OCD Spokesperson Junie Castillo, patuloy silang nagsasagawa ng mga mahigpit na paghahanda at preparasyon kahit na nakalabas na ng bansa ang Bagyong Isang nito lamang weekend.

Paliwanag niya, malaki pa ang nakikita nilang posibilidad na maging isang ganap na bagyo ang LPA na kanilang binabantayan kaya naman mas minabuti na lamang ng ahensya na maging alerto at handa sa kung anumang epekto ang dala nito.

Bilang pagsunod naman sa direktiba ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro at maging alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay kasalukuyan nang pinagana ang mga local emergency operations centers sa bawat lokal na pamahalaan habang pinapatupad ang mahigpit na ugnayan ng mga local government units (LGU’s) sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Samantala, bagamat posibleng maging gnap na bagyo ang LPA, kung hindi man ito direktang mag-landfall ay inaasahan pa rin ang pagdadala nito ng malalakas na pagulan sa malaking bhagi ng bansa kasama na ang Metro Manila simula sa Martes.