-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Justice na hindi hadlang ang ‘legislative immunity’ ng isang mambabatas para sa implementasyon ng warrant of arrest. 

Ayon mismo kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, hindi kayang proteksyunan ng naturang ‘immunity’ ang partikular na opisyal sakali mang mag-isyu ng arrest warrant ang International Criminal Court. 

Ibig sabihin, maari paring maaresto si Sen. Bato Dela Rosa sa pagsisilbi ng arrest warrant mula sa International Tribunal kahit pa ito’y nasa kustodiya ng Senado. 

Giit kasi ni Prosecutor General Fadullon, ang paggamit ng naturang immunity ay maari lamang sa mga kasong may parusang 6 na taon at pababa na pagkakakulong. 

Dagdag pa niya’y limitado lamang ang pagpapatupad ng ‘legislative immunity’ habang may sesyon ang kongreso at kung naka-recess nama’y wala ng restriksyon susundin para mapigilan ang pag-aresto. 

Gayunpaman, hindi isinasantabi ng Department of Justice ang posibilidad na gamitin ng senador ang ‘legislative immunity’ sa oras na lumabas ang arrest warrant.

Saad ni Prosecutor General Fadullon, bagama’t ito ang naunang posisyon o pahayag ni Senador Bato Dela Rosa, wala pa aniya silang kumpirmasyon kung dudulog pa rin ito sa senado para humiling ng proteksyon. 

Ngunit pahayag naman ng opisyal, ang hakbang ito na maaring gawin ng mambabatas ay kabilang sa mga pinag-aaralan para sa anumang hakbang kanilang gagawin. 

Ganito rin ang pananaw ni Chief State Counsel Dennis Arvin L. Chan sa sinabi niyang ang pagiging ‘mambabatas’ ni Senador Bato ay kanilang ikinukunsidera. 

Ito’y sa kabila ng kanyang pagtanggi magbigay kumento kung makakaapekto ba ang posisyon ng senador sa implementasyon ng arrest warrant mula sa International Tribunal. 

Sa kasalukuyan nanindigan ang Department of Justice na wala pa ring inilalabas at ipinadadala ang International Criminal Court na ‘warrant of arrest’ laban kay Sen. Bato Dela Rosa. 

Ito’y taliwas sa pahayag ng dating kalihim ng kagawaran na ngayo’y tanod-bayan, na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla. 

Ani kasi Ombudsman Remulla, meron ng inisyung arrest warrant ngunit tanging hawak pa lamang niya ay di’ opisyal na kopya ng naturang dokumento.